Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12231 o ang Government Optimization Act, isang bagong batas na layuning alisin ang mga redundanteng posisyon, pagsamahin ang ilang tanggapan, at gawing mas simple ang mga proseso sa burukrasya ng pamahalaan.

Sa ilalim ng batas na pinirmahan noong Agosto 4, 2025, binibigyan ng kapangyarihan ang Tanggapan ng Pangulo na magsagawa ng reorganisasyon sa mga ahensiya sa ilalim ng ehekutibong sangay ng gobyerno upang matiyak ang mas episyenteng operasyon.

Itatatag ang isang komite na pamumunuan ng Executive Secretary para suriin ang mga mandato, tungkulin, at proseso ng bawat ahensiya.

Magsasagawa ito ng tinatawag na Optimization Plan kung saan ilalatag ang mga bahagi ng operasyon na kailangang baguhin, palakasin, o pagtuunan ng karagdagang pondo at tauhan.

Ayon sa batas, maaaring isama sa Optimization Plan ang paglikha ng mga permanenteng posisyon (plantilla) para sa mga kwalipikadong contractual at casual na empleyado.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunpaman, ipinagbabawal sa mga ahensiyang dumaan sa optimization na kumuha ng bagong casual, contractual, o job order personnel sa loob ng limang taon mula sa implementasyon ng kanilang plano.

Hindi saklaw ng batas ang mga guro, teaching-related personnel, at uniformed personnel gaya ng militar at pulis.

Samantala, binibigyan naman ng opsyon ang mga sangay ng gobyerno gaya ng Lehislatura, Hudikatura, Constitutional Commissions, Office of the Ombudsman, at maging ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) na ipatupad ang kanilang sariling bersyon ng optimization, alinsunod sa mga prinsipyo ng batas.

Nakasaad din sa batas ang mga benepisyo sa pagreretiro at separation incentives para sa mga empleyadong maaapektuhan ng reporma.

Mayroong limang taong bisa ang batas o isang sunset provision, kaya’t epektibo lamang ito hanggang taong 2030.

Matatandaang matagal nang isinusulong ng Pangulo ang “rightsizing” sa gobyerno upang mapabuti ang serbisyo publiko at matiyak na ang pondo ng bayan ay napupunta sa mga tunay na kailangang sektor.