Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr bilang ganap na batas ang Ligtas Pinoy Centers Act at Student Loan Payment Moratorium During Disasters Emergencies Act.
Ang Ligtas Pinoy Centers Act ay lilikha ng permanente at matitibay na evacuation centers na kaya ang hanggang 300 kilometers per hour na hangin at lindol na hanggang magnitude 8.
Sa talumpati ni Marcos sa signing ceremony sa Malacañang, sinabi niya na kailangan na tiyakin na ang mga evacuation center ay kayang tumugon sa pangangailangan ng mga mamamayan na apektado ng mga kalamidad at iba pang emergencies.
Sa ilalim ng bagong batas, tiniyak ni Marcos sa Department of Education na hindi na gagamitin ang mga eskuwelahan bilang evacuation centers.
Kasabay nito, inatasan niya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tiyakin ang napapanahon na pagpapatayo ng evacuation centers sa priority local government units at tiyakin na makakatugon ang mga ito sa standards.
Samantala, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act ay nag-aalok ng financial relief sa mga estudyante sa mga lugar na idineklara ang state of calamity.
Ayon sa PCO, sa nasabing batas, ang loan payments sa higher education at technical-vocational training programs ay suspindido habang at pagkatapos ng emergencies.
Inatasan ni Marcos ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na ibigay ang lahat ng assistance sa mga estudyante sa ilalim ng nasabing bagong batas.