
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang batas ang P6.793-trillion national budget para sa 2026.
Vineto ng Pangulo ang P92.5 billion na unprogrammed appropriations.
Sa kanyang talumpati matapos na lagdaan ang budget, sinabi ng Pangulo na maraming pagsubok ang hinarap ng ating bansa nitong 2025.
Sinabi niya na nakaranas tayo ng climate-related disruptions, mga lindol, kawalang katiyakan ng ating ekonomiya, at ang pagkakalantad sa karapsyon sa loob ng ating sistema.
Ayon kay Marcos, masakit ang mga nasabing hamon, subalit nag-iwan din ito ng malinaw na mensahe, na hindi na maghihintay ang pagbabago.
Ang education sector ang may pinakamalaking alokasyon, na P1.345 trillion, na ilalaan sa paglikha ng 32,916 teaching at 32,268 non-teaching plantilla positions sa mga pampublikong paaralan.
May nakalaan din na budget para sa paggawa ng 24,964 na mga silid-aralan sa buong bansa.
Ito naman ang unang pagkakataon na makakakuha ng pinakamataas na budget ang healthcare sector na P448.128 billion, para pondohan ang Universal Health Care Fund para sa Zero Balance Billing ng Departmnent of Health, maging ang mga interventions para sa communicable at non-communicable diseases, at disease surveillance at iba pa.
Kabuuang P297.102 naman ang budget ng agriculture sector para sa pagtiyak ng food security, modernisasyon ng supply systems, at pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka at mga mangingisda.
Sinabi ni Marcos na may inilaan ding pondo para sa paggawa ng Farm-to-Market Roads para mapababa ang production costs at mapalakas ang ekonomiya sa mga kanayunan.
Nakatanggap naman ang social services sector ng P270.189 billion para mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino at mapaunlad ang human capital investment.
Suportado rin ng 2026 budget ang Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund na may budget na P15.33 billion.
Unang itinakda ang paglagda sa national budget bago matapos ang taong 2025, subalit hindi natuloy dahil sa mga pagbabago sa legislative calendar at kailangan ang mas mabusising assessment.










