
Nakatakdang pangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbubukas ng Aparri-Camalaniugan Mega Bridge bukas, Enero 8.
Sinabi ni Engr. Mathias Malenab, director ng Department of Public and Highways Region 2, kinumpirma ng kanilang central office ang pagdating ng Pangulo sa Camalaniugan, Cagayan.
Kasama ni Marcos na darating sa nasabing bayan si DPWH Secretary Vince Dizon.
Ayon kay Malenab, pagkatapos ng inauguration, agad na bubuksan sa lahat ng uri ng sasakyan ang nasabing tulay.
Una rito, nagkaroon ng load testing sa tulay noong Enero 5, bilang paghahanda bago ito pormal na buksan para sa mga motorista at sa publiko.
Ayon kay Malenab, walong 10-wheeler truck may mga katgang mga graba at buhangin na may bigat na 40 tons ang sabay-sabay na pinadaan ng contractor na Long Quan Construction.
Gumamit din ng sensor devices ang mga contractor upang masiguro na kaya ng tulay ang bigat at galaw ng mga sasakyan.
Una nang nagsagawa ng inspeksyon si Marcos sa nasabing tulay nitong nakalipas na taon at pinuri ang de kalidad at maayos na pagkakagawa ng tulay.
Ito may kabuuang haba na 2.16 kilometro at may maximum load capacity na 45 tonelada, na malaking tulong sa mga residente at biyahero ng una at ikalawang distrito ng Cagayan.










