https://www.facebook.com/share/v/17p9XPZdsk

Naglabas na ng pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa banta ni Vice President Sara Duterte na humupa siya ng assassin na papatay sa kanya, sa kanyang asawa na si Liza at House Speaker Martin Romualdez.

Sinabi ni Marcos na nakakabahala ang mga pahayag ni Duterte na pagbabanta ng pagpatay at maging ang mga ginagawa na pagmumura.

Ayon sa Pangulo, kung ganon lang kadali para kay Duterte na ipapatay ang presidente, ay mas lalo na sa mga karaniwang mga mamamayan.

Binighyang-diin ni Marcos na hindi niya ito palalampasin at kanya itong papalagan.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit niya na bilang isang demokrasya na bansa, dapat na sumunod sa rule of law at dapat na alalahanin ang sinumpaang tungkulin na magsilbi sa bayan.

Kasabay nito, sinabi ni Marcos na kinikilala niya ang kapangyarihan ng Kamara na maghanap ng katotohanan kaugnay sa imbestigasyon sa umano ay hindi tamang paggasta sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.

Ayon sa kanya, hindi na sana humahantong sa mga drama ang sitwasyon kung sinasagot na lamang ang mga lehitimong mga katanungan ng mga mambabatas sa nasabing usapin.

Sinabi ni Marcos na dapat na tuparin ang panata na maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng pagsasabi ng katotohanan.

Umaasa ang Pangulo na matatapos ang usapin ng matiwasay.

Idinagdag pa niya na ang kanyang pinagtutuunan ng pansin ay ang pamamahala at hindi pahihintulutan na makomprismo ang rule of law at tinitiyak na hindi magtatagumpay ang mga plano para hatakin sa burak ng pulika ang bansa.

Iginiit niya na igalang ang proseso at tuparin ang mandato sa milyong-milyong Pilipino at magtrabaho para sa pag-unlad ng ating bansa.