Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbubukas ng Aparri-Camalaniugan Mega Bridge kaninang umaga.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na maganada ang disenyo at napatunayang matibay ang tulay matapos na unang isagawa ang load testing bago ang kanyang pagbisita.

Bukod dito, sinabi ni Marcos na nakumpleto ang proyekto sa itinakdang panahon at nasunod ang budget.

Sinabi ni Marcos na posibleng maging modelo ang nasabing tulay sa buong bansa.

Nagbiro pa ang Pangulo na nagtatampo ang lalawigan ng Isabela dahil sa mabilis na natapos ang nasabing tulay.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, pinapurihan ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa gitna ng mga kontrobersiya sa mga korapsyon sa mga proyekto ng pamahalaan, ay patuloy pa rin ang kanilang trabaho.

Unang nagsagawa ng inspeksyon si Marcos kasama si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, at sinamahan sila nina Cagayan Governor Edgar Aglipay at Alcala Mayor Tin Antonio sa Piggatan Detour Bridge sa Alcala.

Pinuri ni Marcos ang mabilis na paggawa ng tulay na natapos sa loob lamang ng 60 araw.

Ayon kay Marcos, maayos at de kalidad ang pagkakagawa ng nasabing tulay.

Sinabi pa ng Pangulo na hindi na pansamantala ang nasabing tulay, sa halip ay mananatili na ito sa sandaling matapos ang gagawing permanenteng tulay sa lugar dahil matibay ang pagkakagawa.

Ayon pa sa Pangulo, ang mga ginamit na materyales sa nasabing tulay ay ang mga nakatengga sa DPWH central office sa loob ng 15 taon.

Matatandaan na bumagsak ang Piggatan Bridge noong October 6, 2025 matapos na sabay-sabay na dumaan ang ilang dump truck.