
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga magsasaka at mga pamilya sa Cagayan na naapektohan ng super typhoon Nando.
Kasama ni Marcos sa kanyang pagbisita sa bayan ng Gonzaga sina DSWD Secretary Rex Gatchalian na dala ang ayuda para sa mahigit 2,000 families, Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na nagbigay ng financial assistance sa mga magsasaka na tinamaan ang mga pananim, si DPWH Secretary Vince Dizon na magsasagawa ng inspeksion sa mga flood control, at Education Secretary Sonny Angara.
Sa kanyang talumpati, sinabi Marcos na kailangan nang pag-aralan ang sistema ng agrikultura sa bansa upang maiangkop ang pagtugon sa mga epekto ng pabago-pabagong panahon.
Kasabay nito, sinabi ni Marcos na may nahanap na savings na mahigit P255 billion mula sa mga kinansela na flood control projects para sa susunod na taon na ililipat sa ilang ahensiya ng pamahalaan para sa pagpapatupad ng kanilang mga programa at mga serbisyo na pakikinabangan ng mga mamamayaan.
Nilinaw ng Pangulo na tuloy pa rin ang paggawa ng flood control projects dahil sa may malaki pang pondo ngayong 2025, at titiyakin na maayos ang lahat ng requirement bago ipatupad ang mga proyekto.
Kasabay nito, sinabi ni Marcos na ibabalik niya ang tinanggal na acceptance ng mga proyekto ng local chief executives.
Ipinaliwanag niya na ang acceptance of project ang magpapatunay na maayos at natapos ang isang proyekto sa pamamagitan ng clearance mula sa mga lokal na opisyal maging ang barangay officials.