Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda na matinding naapektuhan ng naranasang El Niño phenomenon sa Cordillera region na ginanap sa bayan ng Luna, Apayao.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Marcos na pumalo sa mahigit P1 billion ang napinsala sa sektor ng agrikultura na nakaapekto sa kabuhayan ng 28,000 magsasaka at mangingisda sa buong Cordillera Administrative Region sa nakalipas na matinding tagtuyot.

Inihayag ng Pangulo na hindi biro ang iniwang pinsala ng naturang kalamidad kaya naman dinala niya ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaan para sama-samang tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan na nawalan ng kabuhayan.

Sa naturang programa, ipinasakamay ng Pangulo ang mga farm machineries, equipment at iba pang interbensyon ng gobyerno.

Pinangunahan din niya ang ceremonial distribution ng Presidential assistance na nagkakahalaga ng P10,000 bawat isa sa 60 piling benepisyaryo mula sa mga Lalawigan ng Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga at Mountain Province.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinagkaloob din ng pangulo ang monetary support na P50 milyon bawat isa sa Pamahalaang Panlalawigan ng Apayao, Ifugao, Kalinga at Mountain Province; P34.5 milyon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Abra; at P29.7 milyon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Benguet.

Samantala, inihayag ng pangulo na nakahanda na ang P83 million na halaga ng food at non-food items para sa rehiyong cordillera bilang paghahanda ngayong panahon ng tag-ulan

Kasabay nito, tiniyak ni Marcos na hindi pababayaan ng pamahalaan ang Cordillera para makipagsabayan ang pag-unlad nito sa ibang rehiyon

Nagpasalamat din si Pangulong Marcos sa pagdeklara sa kaniya bilang adopted son ng lalawigan ng Apayao.