Sinaksihan ni President Ferdinand Marcos ang paglagda ng isang joint memorandum circular na layong tugunan ang problema sa hindi pagkakatugma ng curriculum ng teacher education ng Commission on Higher Education (CHED) at ng licensure exam para sa mga guro ng Professional Regulation Commission (PRC)—isang isyung matagal nang itinuturong dahilan ng mababang passing rate ng mga kumuha ng board exam.

Sa ilalim ng bagong patakaran, hahatiin na ang licensure exams ayon sa programa at espesyalisasyon.

Ibig sabihin, magkakaroon ng hiwalay at mas angkop na pagsusulit batay sa uri ng pagtuturong nais pasukin—tulad ng elementarya, sekondarya, at iba pang espesyalisasyon.

Para sa elementary education, bibigyang-diin ang early childhood education at special needs education.

Samantalang sa secondary education, kasama sa mga specialization ang English, Filipino, Math, Science, Social Studies, Values Education, TLE, Tech-Voc, PE, at Culture and Arts.

-- ADVERTISEMENT --

Nilagdaan ang kasunduan nina CHED Chair Prospero de Vera at PRC Chair Charito Zamora sa isang seremonya sa Malacañang, na dinaluhan ng mga education stakeholders.

Ayon kay Marcos, layunin nitong tiyaking akma ang board exams sa tunay na kakayahang kailangan sa loob ng classroom ngayon.

Nauna nang tinukoy ng Second Congressional Commission on Education na ang misalignment sa curriculum at exam ang dahilan ng mababang bilang ng pumapasa at hindi tugmang teacher specialization.