
Ipinakita sa pinakabagong trailer ng podcast ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang emosyonal na reaksyon habang tinatalakay ang matinding hirap na nararanasan ng maraming Pilipino.
“Yes, [I’m teary-eyed] because I’m really upset. I see people having a hard time, and they don’t deserve it,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, hindi makatarungan ang pagdurusang pinapasan ng ilang mamamayan, lalo na ang mga masisipag at tapat sa kanilang pamilya.
“Mabuti kung masamang tao ‘yan, dapat parusahan. Hindi naman eh, walang ginawa ‘yan kung hindi magtrabaho, kung hindi mahalin ang pamilya,” dagdag niya.
Kaugnay nito, inihayag din ni Marcos ang patuloy na pagbusisi sa 2026 National Expenditure Program matapos mapansin ang ilang kaduda-dudang pondo.
Inatasan niya ang Department of Budget and Management (DBM) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng malawakang pagsusuri sa mga panukalang badyet, lalo na sa mga proyekto sa flood control na sinasabing may iregularidad.