“Nagsisinungaling siya”

Ito ang naging tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa alegasyon na inilahad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na may discrepancies o pagkakaiba sa 2025 national budget.

Sinabi ni Marcos na dapat na alam ni Duterte bilang dating presidente na hindi nangyayari sa budget.

Ayon sa kanya, nagsisinungaling si Duterte dahil hindi maaaring magpasa ng General Appropriations Act (GAA) na may mga blangko.

Idinagdag pa ni Marcos na sa buong kasaysayan ng bansa, hindi pinapayagan na magkaroon ng item sa GAA na hindi nakalagay ang proyekto o pondo.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Marcos na makikita ng publiko ang dokumento sa website ng Deparment of Budget and Management para sa kanilang pagbusisi kung may blank check.

Una rito, sinabi ni Salvador Panelo, chief legal counsel ni Duterte na ang mga pahayag ng dating pangulo ay base sa validity ng findings at sa palagay ni Davao City 3rd District Representative Isidro Ungab na ang General Appropriations Bill (GAB) na nilagdaan ni Marcos ay naglalaman ng parehong omissions.

Sinabi niya na ang sinabi ni Duterte ay kung totoo ang mga obserbasyon ni Ungab, nilagdaan ang GAA na may iregularidad, at ang mga responsable ay dapat na makulong.

Ayon sa kanya, nagsabi lamang umano ng legal opinion si Duterte sa palagay ni Ungab.

Sinabi pa ni Panelo na dapat na suriin ng publiko ang dokumento upang malaman ang katotohanan.

Nilinaw din ni Panelo na walang binanggit si Duterte na blank item o pondo na walang pinaglalaanan na partikular na programa.

Matatandaan na nitong nakalipas na linggo, ay inilahad nina Duterte at Ungab ang sinasabing discrepancies sa bicameral conference committee report sa national budget, kung saan sinabi ni Ungab na may nawawala na budget amounts para sa items sa ilalim ng Department of Agriculture at unprogrammed appropriations.

Sinabi ni Ungab na hindi maaaring ikonsidera na typographical, grammatical, o printing error ang mga blangko.

Ayon naman kay Duterte, dapat na walang naiiwang blangko sa budget items at pupunan na lamang kung kailangan na gawin ito.

Sinabi ni Duterte na ang sinomang nag-tamper sa budget ay mahaharap sa criminal prosecution.