Sinunog ng mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)sa Southern Tagalog ang dalawang effigies na tinawag nilang “ZomBBM” at “Sara-nanggal” bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mamayang hapon.
Ayon sa nasabing grupo, ang dalawang effigy ay sumisimbolo sa “monsters” na umiiral sa bansa.
Ipinaliwanag ng Bayan na ang ZomBMM ay wordplay sa “zombie” at “BBM” o Bongbong Marcos, na tumutukoy kay Marcos na puppet ng Estados Unidos.
Nasa likod naman ng effigy ni Marcos si US President Donald Trump, kung saan nitong nakalipas na linggo ay nagpulong ang dalawang lider sa Washington.
Binigyang-diin ng grupo na sunud-sunuran umano si Marcos sa kanyang master na si Trump.
Samantala, ang Sara-nanggal naman ay wordplay kay Vice President Sara Duterte at “manananggal.”
Sinabi ng Bayan na ito ay tumutukoy sa pagnanakaw umano ni Duterte sa pondo ng pamahalaan na dapat sana ay napakinabangan ng mga mamamayan.