Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may sapat na food supply sa bansa sa gitna ng kaguluhan sa Middle East.

Sinabi ng Pangulo na nangako ang mga manufacturer na pananatilihin ang kasalukuyang presyo hangga’t makakaya pa nila.

Ginawa ng pangulo ang pahayag sa kanyang pagbisita sa Century Pacific Food Inc Calamba Distribution Center sa Laguna.

Ayon kay Marcos may ibang manufacturer ang hindi magtataas ng presyo sa loob ng isang buwan habang ang iba naman ay dalawang buwan.

Nangako din siya na patuloy ang monitoring ng pamahalaan sa food supply maging ang mga presyo sa gitna ng tensyon sa Middle East na nagresulta sa pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila ng mataas na presyo ng langis sa bansa, sinabi ng Pangulo na normal pa ang sitwasyon, at walang dahilan para sa publiko na mag-imbak o magtago ng mga produkto.

Tiniyak din ni Marcos na naghahanap ang pamahalaan ng alternatibong mapagkukunan ng langis.