Opisyal nang nanumpa bilang bagong pinuno ng Police Regional Office 2 (PRO2) si Police Brigadier General Antonio Marallag, Jr., kahapon.

Muling umupo si PBGen Marallag bilang Regional Director ng PRO2 matapos magsilbi bilang Deputy Director ng Police Community Relations Group sa Camp Crame.

Pinalitan niya si PBGen Roy Parena, na nagsilbing PRO2 director sa loob ng dalawang buwan mula nang italaga noong Agosto 6, 2025.

Pinangunahan ni PLtGen Bernard Banac, Deputy Chief PNP for Administration, ang pagpapalit ng kapangyarihan sa PRO2 covered court, na sinaksihan ng iba pang PRO2 officials, local officials ng rehiyon, at kapamilya at kaibigan ng dalawang opisyal.

Sa kanyang mensahe, ibinida ni PBGen Parena ang mga tagumpay ng PRO2 sa mga operasyon kontra ilegal na droga at mga rebeldeng grupo.

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit din niya ang pagpapatupad ng mga internal policies gaya ng tamang bihis ng mga pulis, kalinisan at kaayusan ng mga istasyon, at patuloy na pag-aaral sa mga batas na may kaugnayan sa tungkulin ng kapulisan.

Samantala, inilarawan naman ni PBGen Marallag ang kanyang pagbabalik bilang isang “homecoming” at nangakong ipagpapatuloy ang nasimulang mga programa alinsunod sa kanilang 4-point agenda.

Ang pagbabalik ni Marallag ay alinsunod sa Special Order na inilabas ng Camp Crame noong Oktubre 4, 2025, kung saan siya ay kabilang sa pitong opisyal na binigyan ng bagong assignment na epektibo noong Oktubre 6, 2025.