Binigyan diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilalantad ng pamahalaan ang mga salarin na nagpahintulot kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na makalabas ng bansa, at nangako na mapaparusahan ang mga ito sa ilalim ng batas.

Sinabi ni Marcos na ang nasabing insidente ay nagpapatunay sa korupsion sa justice system ng bansa na nagpapabagsak sa public trust.

Iginiit ng pangulo na walang lugar ang mga indibidual na inuuna ang kanilang personal interes sa halip na pagsisilbi sa mga mamamayan ng may karangalan, integridad at hustisya sa gobyerno.

Si Senator Risa Hontiveros ang unang nagsiwalat na nakalabas na ng bansa si Guo noong Hulyo, gamit ang kanyang Philippine passport.

Kinumpirma naman ng Bureau of Immigration ang impormasyon mula sa kanilang counterparts at sinabing iligal na lumabas ng bansa si Guo na hindi dumaan sa immigration authorities at iligal na bumiyahe sa Malaysia noong Hulyo.

-- ADVERTISEMENT --

Noong August 18, huling natukoy na nasa Indonesia si Guo.

Sa kabila nito, iginigiit pa rin ng legal counsel ni Guo na siya ay nasa bansa pa, batay umano sa pagtitiyak ng kanyang kliyente.