Binawi ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensiya ng siyam na construction companies na pag-aari at kontrolado ni Sarah Discaya, matapos niyang aminin sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na siya ang may-ari ng mga kumpanyang lumahok sa mga government-funded bidding.

Ayon sa PCAB, ito ay malinaw na indikasyon ng “scheme” ng joint o multiple bidding participation upang impluwensyahan at manipulahin ang resulta ng mga public bidding, na labag sa mga batas sa procurement at licensing.

Kabilang sa mga kumpanyang pinawalang-bisa ang lisensiya ay ang St. Gerrard Construction, Alpha & Omega, St. Timothy, Amethyst Horizon, St. Matthew, Great Pacific Builders, YPR, Way Maker OPC, at Elite General Contractor.

Ayon sa PCAB, ang patuloy na akreditasyon ng mga kumpanyang ito ay makasasama sa interes ng publiko at sa integridad ng industriya.

Ipinaalam na ang desisyon sa mga ahensya gaya ng DPWH, SEC, GPPB, at mga LGU, at inihahanda na rin ang pag-eendorso ng kaso sa NBI at DOJ para sa posibleng pagsasampa ng kasong kriminal.

-- ADVERTISEMENT --