Nakatakdang magpulong bukas ang Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction Management Council (PCCDRRMC) para pag-usapan ang urgent measures na ipatutupad upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 sa Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Governor Manuel Mamba na tatalakayin sa pulong ang ibat-ibang pamamaraan na gagawin lalo na sa inaasahang pagdagsa ng mga uuwi sa probinsiya mula Manila.
Sa tulong ng mga barangay, umapela ang gubernador sa mga uuwi sa lalawigan na sumailalim sa 14 days na home quarantine upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan sa banta ng naturang sakit.
Kabilang sa mga pagpapasiyahan sa pulong, kasama ang Department of Health ang usapin sa pagsususpendi ng klase at pagdedeklara ng state of calamity sa buong lalawigan, alinsunod sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa state of public health emergency sa buong bansa.
Aniya, layunin ng pagdedeklara sa State of Calamity na magamit ang quick response funds ng probinsiya para sa procurement at distribusyon ng mga kakailanganing gamit at serbisyo laban sa sakit.
Kabilang sa paghahanda ng pamahalaang panlalawigan ang paglalatag ng mga guidelines para sa mass gatherings at social events tulad ng kasal, misa at iba pa.
Pansamantala namang isinara sa publiko ang Cagayan Museum, Provincial Library, Cagayan Sports Complex, Callao Cave at suspendido rin ang visiting hours sa Provincial Jail na matatagpuan sa Tuguegarao City at Sanchez Mira.
Kasabay nito, hinikayat ng gubernador ang publiko na sundin ang protocols pagdating sa personal hygiene at social distancing alinsunod sa alintuntunin ng DOH para makatulong na masugpo ang naturang sakit.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang gubernador sa Department of Trade and Industry kaugnay sa mga negosyanteng nananamantala sa presyo ng emergency medical supplies tulad ng alcohol at face masks.
Sa ngayon, nananatili pa ring COVID-19-free ang lalawigan ng Cagayan dahil wala pang naitatalang kaso na nagpositibo sa lalawigan.