Nanawagan ang Provincial Climate Change Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga Cagayanos na sumunod sa mga abiso ng gobyerno lalo na ang mga utos sa pagpapalikas sa mga residenteng maaaring maapektuhan ng pananalasa ng bagyong ‘Ramon’.

Ang pahayag ay ginawa ni Ret Col Atanacio Macalan Jr., head ng PCCDRRMO, kasunod ng pagmamatigas ng ilang mga residente sa nagdaang pagbaha sa Northern Cagayan na ayaw lumikas sa kabila ng panganib.

Nanawagan rin si Macalan sa publiko na maging handa at gawing leksyon ang mga nagdaang kalamidad.

Kasabay ito ng mga paghahanda ng probinsiya sa posibleng pagpapatupad ng pre-emptive evacuation sa mga residente na maapektuhan ng bagyo.

Kasama sa mga pamilyang maaaring ilikas anumang oras ay ang mga nasa coastal areas at malalapit sa tabing ilog at mga residenteng nasa flood at landslide prone areas.

-- ADVERTISEMENT --

Ang nasabing hakbang ay para masiguro ang “zero casualty goal” sa panahon ng kalamidad.

Samantala, naka-standby na ang lahat ng mga sasakyang gagamitin sa posibleng pagpapalikas at maging ang rescue team lalo’t nakararanas ng pabugso-bugso hanggang sa katamtaman na pag-uulan ang lalawigan.

Binalaan na rin ang mga residente lalo na mga nakatira sa landslide at flashflood prone areas na maging handa anumang oras at lumikas na kung kinakailangan.

Nagbabala ng ibayong pag-iingat sa pag-ulan ang Pagasa habang papalapit sa Northern Luzon ang tropical storm Ramon.

Ayon kay Pagasa forecaster Aldczar Aurelio, bagama’t mahina lamang ang naturang sama ng panahon kung ihahambing sa mga nakaraang bagyo, malakas na ulan pa rin ang dadalhin nito sa malaking bahagi ng Luzon.

Huling namataan ang sentro nito sa layong 500 km sa silangan ng Baler, Aurora.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 65 kph at may pagbugsong 80 kph.

Kumikilos ito nang pahilaga hilagang kanluran sa bilis na 15 kph.

Nakataas ngayon ang tropical cyclone wind signal number two (2) sa Catanduanes.

Habang signal number one (1) naman sa Eastern portion ng Isabela (Divilacan, Palanan, Dinapigue), Northern Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan), Polillo Island, Camarines Norte, Camarines Sur at Albay.

Sa ngayon ay inalis na ang babala ng bagyo sa Sorsogon, Northern Samar at Eastern Samar.