
Nagtalaga ang Philippine Coast Guard (PCG) ng air at water assets para magbigay ng seguridad at suporta sa nasa 40 hanggang 50 bangkang pangisda sa bisinidad ng Scarborough Shoal, o Bajo de Masinloc.
Ayon sa PCG, buhat noong Enero 26, tatlong barko at isang aircraft ang dinala sa lugar para protektan ang fishing vessels mula sa Zambales, Bataan, Pangasinan, at Mindoro.
Natanggap na rin ng mga mangingisda ang fuel subsidies, inuming tubig, ice, at meal packs.
Sinabi ng PCG na ang operasyon ay para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipinong mangingisda mula sa posibleng harrassment ng Chinese maritime forces.
Sa nasabing misyon, may nakita ang PCG na presensiya ng tatlong China Coast Guard vessels sa lugar.
Ayon sa PCG, sa kabila ng presensiya ng mga barko ng China, patuloy ang pangingisda ng ating mga kababayan sa nasabing karagatan.
Matatagpuan ang Scarborough Shoal sa 124 nautical miles ng Masinloc, Zambales, at ito ay ikinokonsiderang nasa 200-nautical-mile exclusive economic zone ng Pilipinas.










