
Iniimbestigahan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang posibleng oil spill o pagtagas ng langis matapos na madetect ang bakas ng langis sa lugar kung saan huling namataan ang tumaob na Singaporean-flagged cargo vessel na M/V Devon Bay.
Ayon PCG spokesperson Captain Noemie Cayabyab, nakita ang bakas ng langis sa isinagawang aerial search sa napaulat na distress site na tinatayang nasa 141 nautical miles kanluran ng Sabangan Point sa Agno Bay sa lalawigan ng Pangasinan.
Naobserbahan din ng mga awtoridad ang isang lumubog na life raft, na isang maliit na inflatable boat na ginagamit para sa emergency evacuation.
Bagamat hindi malawak ang oil sheen na nakita sa lugar, masusing sinusuri ito ng PCG.
Nilinaw din ng PCG official na kasalukuyan pa nilang biniberipika ang ulat hinggil sa dalawang Pilipino tripulante na nasawi mula sa insidente.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang PCG sa Hong Kong Maritime Rescue Coordination Centre para sa pagturn-over ng mga nasagip na tripulante.
Matatandaan, nauna ng napaulat na naglalayag noon ang cargo vessel na may kargang iron ore mula Zamboanga del Sur patungong Yangjiang, China nang mangyari ang insidente.
Ayon kay Cayabyab, isa sa concern ngayon sa gitna ng nagpapatuloy na paghahanap sa mga nawawalang Pilipinong tripulante ay ang lagay ng panahon dulot ng amihan at kasalukuyang mayroon din aniyang nakataas na gale warning sa lugar.
Sa kabila nito, nagpadala pa rin ang PCG ng assets nito para sa search and rescue operations sa kabila ng masungit na lagay ng panahon sa dagat.
Nagpasalamat din ng PCG official ang China Coast Guard sa pagsagip sa mga Pilipinong tripulante.










