
Ipinagpatuloy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang search and rescue operation ngayong araw sa apat na Pilipinong pahinante na nawawala mula sa Singaporean-flagged cargo vessel M/V Devon Bay.
Pinangunahan ng 97-meter vessel BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) ng PCG ang surface search, habang nagsasagawa ng aerial reconnaisance ang PCG Islander aircraft.
Ang cargo vessel, na may lulang iron ore, ay umalis mula sa Gutalac, Zamboanga del Norte, papuntang Guangdong, China.
Ang huling na-monitor na kinaroroonan nito ay nasa 262 kilometers kanluran ng Sabangan Point, Ango Bay, Pangasinan.
Ipinarating ang distress signal sa PCG ng operator ng cargo vessel, ang K Line Roro Bulk Ship Management Co. Ltd., na nagbunsod para sa deployment ng BRP Teresa Magbanua, BRP Cape San Agustin, at dalawang aircraft para sa paghahanap sa mga nawawalang crew.
Una rito, nailigtas ng China Coast Guard (CCG) ang 17 sa 21 crew members malapit sa Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon sa Chinese embassy sa Manila, ang 14 ay nasa maayos na kalagayan, dalawa ang kumpirmadong namatay, at ang isa ay nasa isang ospital.










