Nakumpleto na ngayong araw ng Philippine Coast Guard ang paglalagay ng flange valve plate sa MT Terra Nova, kasama ang hot tapping o pressure tapping operations.

Ang mga naturang operasyon ay ilan sa mga unang hakbang upang matagumpay na masipsip ang mga langis na karga-karga ng naturang tanker bago ang tuluyan nitong paglubog.

Batay sa report ng PCG, nagsagawa ng ilang serye ng diving operations ang salvor team at matagumpay na nabuksan ang ilang valve para sa oil removal test.

Dito ay minarkahan ng naturang team ang mga lugar kung saan isasagawa ang tapping operations at tinanggal ang ilang mga naiwang debris mula sa katawan ng barko.

Ayon naman kay Bataan CG Lieutenant Commander Michael John Encina, humigit-kumulang 300 litro ng mga langis ang nailipat mula sa naturang barko patungo sa isang tangke upang subukan ang ginamit na equipement.

-- ADVERTISEMENT --

Naging matagumpay aniya ang naturang test at walang naobserbahang tumagas.

Sa kasalukuyan aniya, may mga nakatakda pang ilagay na mga bagong kagamitan upang maging mas epektibo ang paglilipat sa langis at tumuloy na sa susunod na yugto ng siphoning operation.