Nagtatag ang Philippine Coast Guard ng istasyon sa makasaysayan na Homonhon Island sa Guiuan, Eastern Samar para subaybayan ang galaw ng Chinese cargo vessels na dumadaong sa katubigan ng nasabing probinsiya.
Nilinaw ni Cmdr. Elgene Gregorio, acting deputy commander of the PCG in Eastern Visayas na ang presensiya ng Chinese vessels sa katubigan ng Homonhon ay ligal dahil ang mga ito ay international cargo ships na may permits para magbiyahe ng minerals mula sa minahan sa nasabing isla.
Gayonman, sinabi ng PCG na kailangan na matiyak na hindi gagawa ang mga ito ng mga iligal na aktibidad.
Sinabi ni Gregorio na nasa apat na mining companies na pag-aari o may affiliation sa Chinese firms ang may operasyon sa isla para sa chromite at nickel.
Ang mga mineral na nakukuha ng mga minahan ay direktang dinadala sa China, ang kanilang pangunahing market.
Ipinaliwanag ni Gregorio na ang paglalagay ng unit sa nasabing isla, kung saan dito lumapag si Portuguese explorer Ferdinand Magellan noong 1521 ay bahagi lamang ng kanilang mandato na bantayan ang mga foreign vessel na pumapasok sa katubigan ng bansa.
Sinabi ni Gregorio na ang presensiya ng Chinese vessels, karamihan ay pinapatakbo ng Chinese nationals ay nagbunsod ng pagkabahala sa mga residente ng nasabing isla.