TUGUEGARAO CITY-Nagpaalala ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) Region 2 sa mga magsasakang hindi nasiraan ng mga pananim noong panahon ng kalamidad na hindi na mabibigyan ng ayuda.
Ayon kay Edna Marallag,Regional manager ng PCIC Region-2, prioridad umano ng kanilang tanggapan na bigyan ng ayuda ang mga nasiraan ng pananim na mayroong tatlong ektarya pababa ang sinasaka.
Aniya, ito’y para mas madami pang mga magsasaka ang kanilang matutulungan sa tuwing may kalamidad na tatama sa rehiyon.
Sinabi pa ni Marallag na huwag rin umanong abusuhin ang naturang programa tulad ng paggamit ng ibang pangalan sa pagkuha ng ayuda para mapakinabangan pa ng mas mahabang panahon.
Kaugnay nito, muling hiniling ni Marallag na dapat sundin ng mga benibisaryo ang tamang proseso sa pagkuha ng tulong pinansyal.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Benito Taguibao ng claims and adjustment ng PCIC-Region 2 , na kapag may nakitang panganib sa mga pananim na naka-ensure ay agad itong ipaalam sa Municipal Agriculturist Office para kaagad na i-validate ng kanilang technician at magsasagawa rin ng assessment ang PCIC.