TUGUEGARAO CITY-Siniguro ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) Region 2 na maipapamahagi na sa mga nagpa-ensure na magsasaka ang tulong pinansyal bago matapos ang buwan ng Hulyo.

Ayon kay Benito Taguibao, claims and adjustment officer ng PCIC-Region 2, ito’y para mapakinabangan ng mga magsasaka ang matatanggap na ayuda sa kanilang pagsasaka.

Aniya, sapat umano ang pondo na nakalaan para sa mga nagpa-ensure na magsasaka na naapektuhan ng tagtuyot at pagbaha.

Sinabi ni Taguibao na nasa 17,700 pa umano ang bilang ng mga magsasaka na bibigyan ng tulong pinansyal kung saan una nang nabigyan ang 4744 na magsasaka

Dagdag pa ng opisyal mahigit P37 milyon ang una nang naipamahagi ng kanilang ahensiya sa mga magsasaka ng rehiyon at Cordillera Region nitong nakalipas na buwan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala ,inihayag naman ni Taguibao na patuloy ang pagtanggap ng kanilang ahensiya sa mga magsasaka na gustong magpa-ensure ng kanilang mga pananim at mga alagang hayop.