
Ipinasa ng Presidential Communications Office (PCO) sa Department of Justice (DOJ) ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa apat na Facebook accounts na umano’y nagpakalat ng pekeng impormasyon tungkol kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ayon sa PCO, kabilang sa mga tinukoy na account ang KaChizmaze, Booc TVs, Cris Lademora, at Lenny Quirz / Linie Quirong, na umano’y nag-post ng maling balita na nag-uulat na pinahinto ng Korte Suprema ang pag-aresto kay Dela Rosa.
Ipinaalala rin ng ahensya na tinanggihan ng Korte Suprema ang hiling na temporary restraining order (TRO) at status quo ante order ni Sen. Dela Rosa kaugnay ng posibleng pag-aresto sa kanya batay sa warrant ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay PCO Secretary Dave Gomez, bahagi ng kampanya ng gobyerno laban sa disinformation sa social media ang hakbang na ito, at nagbabala sa mga vloggers at content creators na huwag magpakalat ng maling impormasyon para sa views o kita.




