TUGUEGARAO CITY-Naglaan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng limang milyong pisong “endowment fund” bilang tulong sa mga mahihirap na pasyente.
Ayon kay Heherson Pambid, PCSO Cagayan Branch Manager, ang nasabing halaga ay karagdagan sa P30M na unang ibinigay sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) bilang tulong pinansyal sa paglaban kontra covid-19.
Aniya, ang pondo ay gagamitin ng mga pasyente na nasa charity ward ng CVMC na hindi kayang tustusan ang kanilang bayarin.
Sinabi ni Pambid na hindi direktang ibibigay ang pera sa mga pasyente, sa halip ay ibabawas na ito sa kanilang hospital bill kalakip ng ilang mga dokumento.
Paliwanag ni Pambid na kung sakaling maubos ang endowment fund ay gagamitin na ang pondo ng PCSO sa malasakit center para matiyak na matulungan pa rin ang mga mahihirap na pasyente.
Samantala, sinabi ni Pambid na muli nang binuksan ang mga lotto outlet sa Cagayan matapos baguhin ng Inter-Agency Task Force ang mga guidelines sa Modified enhanced community Quarantine (MECQ).