TUGUEGARAO CITY-Tiniyak ng Philippine Charity Sweepstakes Office PCSO-Cagayan na sapat ang ibabayad sa mga pasyente na nangangailangan ng tulong pinansyal sa kanilang pagpapagamot.
Ito ay sa likod ng hindi pa muling pag-ooperate ng STL o Small Town Lottery sa probinsya at sa agam agam ng ilang ospital sa probinsya ukol sa kung kakayanin ng PCSO na tugunan ang pangangailangan pinansyal ng mga pasyente.
Ayon kay Heherson Pambid, Provincial Director ng PCSO-Cagayan,sapat ang pondo para sa charity programs ng ahensiya kung kaya’t walang dapat ikabahala ang mga management ng mga ospital maging ang mga pasyenteng nagnanais humingi ng tulong.
Sakatunayan aniya, hindi binawasan ang budget ng PCSO para sa mga charity projects kung kaya’t sapat ang pondo na ibibigay tulong sa mga mahihirap.
Kaugnay nito, sinabi ni Pambib na bukas ang kanilang himpilan na magpaabot ng tulong sa mga nais humingi ng tulong.
Matatandaan, nitong mga nakalipas na buwan ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin ang operasyon ng Lotto, STL, Kenno at marami pang iba dahil sa isyu ng korapsyon ngunit makalipas ang ilang araw ay muling ibinalik ang operasyon ng Lotto na sinundan ng STL.
Ngunit pansamantang hindi pa binabalik ang operasyon ng STL dito sa probinsiya ng Cagayan dahil sa ilang isyu.