TUGUEGARAO CITY-Hinimok ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 2 ang mga unang sumuko sa mga otoridad na nagtapos na sa balay silangan maging sa rehabilitation na huwag nang bumalik sa paggamit at pagbebenta ng illegal na droga.

Ayon kay Rosenia Cabalza ng PDEA-region 2, mula 470 na katao na nagtapos sa balay silangan ay mayroong limang indibidwal ang muling nahuli na bumalik sa masamang gawain.

Aniya, kailangan makipagtulungan ang publiko para makamit ang inaasam na drug cleared sa buong rehiyon.

Patuloy rin anila ang ginagawang monitoring sa mga pinasinayaan na balay silangan sa rehiyon kung saan nito lamang araw ng Biyernes ay pormal nang binuksan ang balay silangan sa bayan ng Lasam, cagayan.

Sinabi ni Cabalza na ito ang pang walong balay silangan sa probinsya ng Cagayan at 24 sa buong rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ang balay silangan ay isa sa mga kinakailangang requirement para maideklarang drug cleared ang bayan kung saan tatagal ng isang buwan sa balay silangan ang isang sumukong drug pusher bago ang dalawang buwan na pagsasanay para sa livelihood program.

Sa ngayon, mula sa kabuuang 30 barangay ng Lasam ay pito ang apektado pa rin ng illegal na droga at kasalukuyan nang inaayos ng LGU ang kanilang dokumento para maideklarang drug cleared municipality.

Samantala, nakatakda namang isailalim sa final inspection ang balay silangan sa bayan ng Gattaran, Lal-lo at Pamplona.