Natagpuang patay ang isang operatiba ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) na ilang araw nang iniulat na nawawala na may tama ng bala sa batok at inilibing sa septic tank sa bakurang sakop ng big time drug personality sa Barangay Mojon, Malolos City, Bulacan.

Kinilala ang biktimang si PSSgt. Renato Casauay Jr., PNP member at nakatalaga sa PDEG SOU 3, at nakatira sa Aldama St., Baliwag City.

Magugunitang Enero 25 dakong alas-1:45 ng hapon nang i-report sa Baliwag City Police ni Anabelle Casauay na nawawala ang kanyang asawang si Sgt. Casauay.

Nagpaalam umano ang mister noong Enero 24 na kukuha ng seafood sa Barangay Panasahan, Malolos City para sa kanyang kaarawan kinabukasan at umalis ito ng bahay lulan ng kanyang Skygo na motorsiklo.

Nakakuha ng impormasyon ang Malolos City Police na pumasok sa isang subdivision sa Barangay Mojon, Malolos City at ayon sa source ay ipinasok ito sa Mauricio compound.

-- ADVERTISEMENT --

Doon hinukay ng awtoridad ang septic tank sa pagitan ng ala-1:00 at alas-2:00 ng madaling-araw ngayong Sabado, Enero 31.

Natagpuang patay na nakasubsob ang pulis, may tama ng bala sa batok, at patalikod umanong binaril.

Batay pa sa impormasyon, hawak na ng awtoridad ang suspek na si Oliver Paul Mauricio, na ilang beses nang nahuli sa droga at baril ngunit laging naaabsuwelto dahil sa impluwensya ng isang kamag-anak.

Nakadetine na ngayon si Mauricio at patuloy pa rin ang malalimang imbestigasyon ng mga awtoridad.