Ire-recycle at gagawin umanong bag ng Bureau of Jail Management and Penology sa Ballesteros, Cagayan ang mga nakolektang campaign materials sa nagpapatuloy na Oplan Baklas.
Ayon kay Jail Senior Inspector Mark Anthony Saquing, warden ng BJMP Ballesteros na patuloy ang volunteerism ng mga empleyado sa pagbaklas ng mga campaign posters at tarpulin ng mga kumandidato upang gawing livelihood ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
Sinabi ni Saquing na ang mga recycled materials kapag nagawa nang bag ay maaring ipagbili at paghahatian ng mga PDL ang kikitain upang may magamit sa loob ng kulungan.
Makikipag-ugnayan rin ang BJMP Ballesteros sa pampublikong paaralan sa naturang bayan para sa hangaring makatulong sa mga kabataan ngayong Brigada Eskwela.
Aniya, irerekomenda ni Saquing na babalutin ng mga PDL ang mga libro sa ipapatayong library sa lugar gamit ang ilan sa mga nakolektang campaign materials.
Dagdag pa ni Saquing na mas mabisang irecycle ang mga campaign materials na makakatulong pa sa kapaligiran, sa halip na makadagdag pa ito sa itatapong basura.