
Nagbabala ang PDP Laban na hindi nito papayagang tumakbo sa ilalim ng partido ang mga politiko na susuporta sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Sa pahayag ng partido, sinabi nitong maaaring ma-blacklist ang mga opisyal na boboto pabor sa impeachment at maaari rin silang maglagay ng kalabang kandidato sa mga susunod na halalan.
Ayon sa PDP Laban, hindi ito pananakot kundi bahagi ng political accountability laban sa umano’y politically motivated na impeachment complaint laban sa bise presidente.
Samantala, inaasahang isusulong ni House Committee on Justice Chairperson at Batangas Representative Gerville Luistro ngayong Lunes ang Articles of Impeachment laban kay Duterte sa plenary session ng Kamara.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, pagbabanta umano laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kaniyang pamilya, at pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Kailangan ng hindi bababa sa 106 boto upang maipadala sa Senado ang Articles of Impeachment para sa impeachment trial.









