Inirekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Nueva Vizcaya sa kanilang Sanguniang Panlalawigan na magpasa ng resolusyon na magdedeklara ng State of Calamity sa naturang probinsya bunsod ng nakakabahalang pagtaas ng kaso ng African Swine Fever (ASF).

Ayon kay King Webster Balaw-Ing, Acting PDRRM Officer ng Nueva Vizcaya, patuloy ngayon ang paglawak ng mga lugar na naaapektohan ng ASF sa kanilang probinsya at mula sa 15 bayan ay nasa walo na ang apektado.

Sinabi niya na batay sa huling datos ay aabot na sa mahigit P12M ang halaga ng nasa halos 800 baboy na isinailalim sa culling procedure habang may 77 hog raisers naman ang apektado.

Paliwanag ni Balaw-ing, malaking tulong na magdeklara ng state of calamity sa kanilang probinsya upang magamit ang quick response fund para sa pagpapaigting ng mga biosecurity and control measures at kasama na ang pagbibigay ng indemnity assistance sa mga apektadong hog raisers.

Nabatid na sa ngayon ay P2,500 lamang umano ang ibinibigay nilang tulong pinansyal sa bawat baboy na isinasailalim sa culling at kung maaprubahan ang kanilang rekomendasyon at magkaroon ng sapat na budget ay nais nila itong gawing P5,000.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay mahigpit aniya nilang ipinatutupad sa probinsya ang restrictions sa pagluluwas ng mga karne at produktong baboy, at maging ang regular na pagsusuri sa mga slaughter houses.

Sinabi nito na bagamat sa nakaraang taon ay nalinis na sila sa usapin ng ASF ay maaaring muli itong bumalik dahil sa pagluwag ng mga restrictions sa pagluluwas ng mga produktong baboy.

Kabilang sa mga apektado ngayon ng ASF ay ang mga bayan ng Quezon, Bambang, Dupax Del Norte, Bayombong, Bagabag, Cayapa, Casibu at Diadi.