Naka-red alert status na ang Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) simula alas-5 ng hapon nitong Huwebes bilang paghahanda sa posibleng pagtama ng Tropical Depression Crising sa lalawigan.
Bilang bahagi ng mga hakbang pangkaligtasan, isinagawa na ang forced evacuation sa mga coastal municipalities.
Nasa kabuuang 15 munisipalidad ang tinututukan ngayon ng PDRRMO, kabilang ang Barangay Aggugaddan sa Peñablanca, kung saan naglalagay ng mga bato at kahoy sa bubong ang mga residente upang mapatibay ito laban sa inaasahang malalakas na hangin.
Sa lugar ng Callao Caves, inalis na sa tubig ang mga bangkang ginagamit sa turismo sa Pinacanauan River at pansamantalang binaklas ang mga kubol upang maiwasan ang pinsala.
Ayon kay Amado Domingo, pangulo ng Callao Boat Association, matumal ang turismo tuwing masama ang panahon kaya’t naghahanap-hanap na ng ibang mapagkakakitaan ang kanilang mga kasamahan.
Sa kabila nito, pinayagan pa rin ang ilang turista na magtuloy sa kanilang biyahe habang nananatili sa normal level ang ilog.
Naka-standby na rin ang mga kagamitan para sa search and rescue operations gaya ng rubber boats, life vests, at life rings sa pitong quick response stations.
Patuloy din ang pagbabantay ng mga awtoridad sa lebel ng Cagayan River at mga katubigang dumadaloy dito.
Muling nanawagan ang PDRRMO sa mga residente na makinig at sumunod sa mga opisyal ng barangay sa oras ng paglikas, bilang aral sa mga sunod-sunod na bagyong dumaan noong nakaraang taon.