Patuloy na nakamonitor ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Cagayan sa galaw ni Tropical Depression Kristine.

Sinabi ni Rueli Rapsing, head ng PDRRMO na magsasagawa sila ng pre-disaster risk assessment sa Miyerkules, kasama ang mga line agencies upang iprisinta ang mga posibleng epekto ng bagyo lalo na sa mga lugar na tutumbukin nito tulad sa Santa Ana Cagayan.

Inatasan na rin aniya ang mga lokal na pamahalaan na maghanda sa posibleng pananalasa ng bagyo.

Kasabay nito, sinabi ni Rapsing na sa ngayon ay naka-standby ang pitong istasyon ng quick response team sa lalawigan, maging ang kanilang mga assets, at ang incident management team.

Idinagdag pa ni Rapsing na sapat ang family food packs at non-food items dahil marami ang naiwan sa stock sa pananalasa ng super typhoon Julian noong unang linggo ng kasalukuyang buwan.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na isinailalim sa state of calamity ang lalawigan noong October 7 bunsod ng halos P800 million na iniwang pinsala ng bagyong Julian sa agrikultura at imprastraktura.

Sa ngayon ay maganda pa ang panahon sa lalawigan.