Hinikayat ng lokal na pamahalaan ang mga dati at kasalukuyang nagtatanim ng mani na dumalo sa isasagawang “peanut congress” sa bayan ng Enrile sa araw ng Martes, October 8.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Miguel Decena, Jr na layunin nitong mapataas ang produksyon ng mani sa bayan ng Enrile na tinaguriang “Peanut Capital of the Philippines”.

Ayon kay Decena, patuloy na bumababa ang produksyon ng mani sa kanilang lugar dahil sa kawalan ng suporta ng gubyerno at paglipat ng mga magsasaka sa pagtatanim ng yellow corn na mas mataas ang kita.

Dahil dito, sinabi ng alkalde na ioorganisa bilang isang kooperatiba ang mga magsasaka ng mani upang matulungan sila mula sa pagtatanim hanggang sa pagbebenta ng kanilang produkto.

Sa isasagawang peanut congress, tuturuan ng Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka ng mga pamamaraan sa pagtatanim hanggang sa pag-ani ng mani gamit ang mga makabagong teknolohiya.

-- ADVERTISEMENT --

Sa tulong naman ng Department of Science and Technology (DOST) at Department of Trade and Industry (DTI), plano ng alkalde na magpatayo ng planta at warehouse para sa kooperatiba na mangangasiwa sa pag-proseso at pagbebenta ng produkto na magpapataas sa kita ng mga magsasaka.