Huli sa entrapment operation ang isang 27-anyos na babae na nagpa-practice ng dentistry noong December 3 sa lungsod ng Tuguegarao.

Pinangunahan ni PCol Efren Fernandez II ang operasyon, matapos malaman ng Regional Anti-Cybercrime Unit 2 (RACU2) na nag-aalok ng babae ng dental services online.

Ayon sa RACU2, nagpapadala ng mensahe ang babae sa mga potential client nito.

Nagpanggap na kliyente ang isang operatiba ng RACU2 at nakipagkita sa suspek sa lungsod para magpakabit ng dental braces.

Dito na pumasok ang mga operatiba ng RACU2 habang isinasagawa ng babae ang orthodontic procedure, kung saan agad siyang hinuli.

-- ADVERTISEMENT --

Nakumpiska sa babae ang iba’t ibang dental paraphernalia at cell phone na ginagamit niya sa pakikipag-usap sa kanyang mga kliyente.

Batay sa imbestigasyon, high school graduate lamang ang babae at 10 taon na iligal na nagpa-practice ng dentistry gamit ang mga kagamitang nabili online.

Dinala ang babae sa City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings at kasalukuyan siya ngayong nakakulong sa Tuguegarao City Component Police Station.

Kinumpirma naman ng Philippine Dental Association (PDA) at Professional Regulation Commission (PRC) na hindi rehistradong dentista ang nasabing babae.