Arestado ang isang babae na nagpanggap bilang paralegal at nangakong tutulong sa isang biktima ng online scam sa ibang bansa.

Isinagawa ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang pag-aresto sa isang entrapment operation sa Manila City Hall.

Ayon mga awtoridad, nag-alok umano ang suspek ng tulong sa isang overseas Filipino worker na nais magsampa ng kaso laban sa isa pang scammer.

Natagpuan ng biktima ang suspek sa isang social media page na nag-aalok ng legal assistance sa mga nabiktima ng online scam.

Sinabi ng PNP-ACG na nagpakilala ang suspek bilang paralegal at iginiit na may koneksyon umano siya sa PNP.

-- ADVERTISEMENT --

Humingi rin ito ng P150,000 kapalit ng pagsasampa ng kaso at umano’y pagbuo ng isang yunit na aaresto sa scammer.

Binigyang-diin ni PNP-ACG Director Police Brigadier General Wilson Asueta na walang sinumang awtorisadong makipag-ugnayan o maningil para sa police operations at filing ng kaso.

Hinimok ng PNP-ACG ang publiko, lalo na ang mga Pilipino sa abroad, na direktang magsumbong sa kanilang tanggapan kung mabiktima ng online scam.