
Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko laban sa pagtaas ng pekeng prescription drugs na binebenta online at ine-advertise gamit ang AI.
Ayon kay CICC Undersecretary Renato Paraiso, ginagamit ng scammers ang AI at social media ads para magmukhang legit ang produkto.
Kadalasang ipinapakita ang “miracle cures” sa mababang presyo, tulad ng slimming pills na may delikadong methamphetamine.
Pinayuhan niya ang publiko na bumili lamang mula sa lehitimong tindahan at maging maingat sa ads na humihingi ng personal na impormasyon o nag-aalok ng sobrang murang deal.
Maaaring i-report ang kahina-hinalang produkto sa I-ARC hotline 1326 o sa opisyal na social media ng CICC.
Plano rin ng CICC na gumawa ng national database ng legit at pekeng produkto para agad matanggal ang high-risk listings.







