TUGUEGARAO CITY-Inihayag ng Provincial Environment and Natural Resources Office(PENRO)-Cagayan na nais nilang bumuo ng Cagayan Environmental task force para matigil na ang iligal na aktibidad lalo na ang pamumutol ng kahoy sa probinsiya.
Ayon kay Ismael Manaligod, PENRO Officer, kung sakali na ito’y maipatupad, magiging “one stop shop” na ang enforcement unit kung saan magsama-sama na ang mga law enforcement agencies kasama ang national agencies at Local Government Unit(LGUs) sa pagbabantay sa kalikasan.
Sa ngayon, sinabi ni Manaligod na kasalukuyan ang ginagawang pag-iikot ng forest enforcement sa lalawigan kung saan nasa 30,000 board feet na ng kahoy ang nasabat simula ng tanggalin o i-lift ang enhance community quarantine (ECQ) bilang pag-iingat sa covid-19.
Aniya, karamihan sa mga nakuhang kahoy ay mula sa bayan ng baggao, Penablanca at Sta Ana.
Nabatid na may ipinasa ng resolusyon ang Provincial board para sa pagbibigay ng otorisasyon sa gobernador na pumasok sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagbuo ng Cagayan Environmental Task Force.