Inanunsyo ng Government Service Insurance System (GSIS) nitong Miyerkules na ilalabas nila ang pension para sa buwan ng Hunyo 2025 sa Biyernes, Hunyo 6—dalawang araw bago ang nakasanayang iskedyul na ika-8 ng buwan.
Ayon sa GSIS advisory, ang pension ay ire-release sa Biyernes, na idineklara ring regular na holiday sa buong bansa bilang paggunita sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.
Makukuha ng mga pensioner ang kanilang pension sa pamamagitan ng automated teller machines (ATMs) gamit ang kanilang Unified Multi-Purpose ID (UMID) o e-card.
Alinsunod sa mandato ng GSIS charter, tungkulin ng ahensya na tiyaking may proteksyon ang mga miyembro nito laban sa iba’t ibang contingencies kapalit ng buwanang kontribusyon.
Kabilang sa mga benepisyong maaaring makuha ay life insurance, separation o retirement benefits, at disability benefits.