
Binuksan na ng lokal na pamahalaan ng Naga City ang isang permanenteng mental health hub upang mapalawak ang counseling services at suporta para sa mga residenteng nangangailangan ng tulong sa kanilang mental health.
Pinasinayaan ni Mayor Leni Robredo ang bagong pasilidad na magsisilbing tahanan ng ANGAT KAHIMATI Mental Health Program ng lungsod.
Nagsimula ang programa noong 2024 sa tulong ng Angat Buhay, Konsehal Gayle Abonal Gomez, at ng Ateneo de Naga Department of Psychology.
Matapos itong mag-operate sa mga pansamantalang lokasyon, ginawa itong opisyal na programa ng lungsod at binigyan ng permanenteng pasilidad.
Matatagpuan ang bagong sentro sa ikatlong palapag ng Raul S. Roco Library.
Ayon kay Robredo, naisagawa ang pagsasaayos ng pasilidad nang walang gastos sa pamahalaang lungsod sa tulong ng mga katuwang ng Angat Buhay.
Inaasahang magpapalakas ang bagong mental health hub sa mga serbisyo ng Mental Health Unit ng City Health Office II at magbibigay ng mas maayos at angkop na lugar para sa mga counseling session.




