TUGUEGARAO CITY- Hinihintay na ang Department of Interior and Local Government kung ipatutupad ang panibagong desisyon ng Civil Service Commission na nagpapatibay sa perpetual disqualification ni Mayor Joan Dunuan ng Baggao, Cagayan.
Sa inilabas na desisyon ng CSC na pirnmado ni Chairperson Alicia dela Rosa-Bala noong January 29, 2020 , iginiit nito ang naunang desisyon noong April 10, 2017 na nagtanggal kay Dunuan sa serbisyo dahil sa kasong administratibo ng kawani pa siya ng LGU Baggao.
Matatandaang ginawaran ng CSC ng parusang dismissal sa public service at perpetual disqualification to hold public and appointive position si Dunuan dahil sa kasong serious dishonesty at falsification of public documents dahil sa pamemeke ng kanyang daily time record o DTR.
Kaugnay nito, matapos manalo bilang alkalde nitong nakalipas na May 2019 Local Elections ay agarang kinwestyon ni dating Mayor Leonardo Pattung sa CSC kung dapat bang maupo si Dunuan na mayor gayong mayroon itong perpetual disqualification to hold public or appointive office.
Binigyaang diin sa desisyon na hindi batayan ang pagkakapanalo sa eleksyon para mapunas ang parusa sa kasong administratibo na ipinataw kay Dunuan.