TUGUEGARAO CITY-Pagpapakita na tuluyan nang tinatalikuran ng mga mamamayan ng Gattaran ang grupong New Peoples Army (NPA)matapos ideklarang persona-non-grata ang mga ito kasabay ng kanilang isinagawang peace rally nitong nakalipas na araw.
Ayon kay Major Jekyll Dulawan ng 5th Infantry Division Philippine Army, nakita at namulat na ang mga mamamayan ng nasabing bayan na walang naitulong na mabuti ang mga makakaliwang grupo lalo na sa pagpapa-angat ng bayan dahil pinipigilan ito ng NPA.
Aniya, sa mahigit 50 taon na namalagi ang mga rebeldeng grupo sa lugar ay wala silang nakitang magandang naidulot sa mamamayan, sa halip ay mas lalo pang naghirap ang mga residente lalo na ang mga nasa liblib na lugar.
Sinabi ni Dulawan na isa itong magandang hakbang para makita ng mga makakaliwang grupo na hindi na sila suportado ng mga mamamayan ng Gattaran dahil isa ang naturang bayan sa area of concern ng pamahalaan dahil sa presenya ng mga rebeldeng grupo.
Pinangunahan ng mga opisyales ng munispyo, Barangay, miembro ng PNP, militar at mga kabataan ang peace rally kung saan kanilang sinunog ang bandila ng mga NPA bilang pagpapakita na ayaw na nila sa mga rebeldeng grupo.
Kaugnay nito, muling hinimok ni Dulawan ang mga nananatiling aktibong miembro ng NPA na sumuko na sa pamahalaan at makipagtulungan na lamang para makamit ang kapayapaan at katahimikan ng bansa.