TUGUEGARAO CITY-Nagdeklara ng “persona non grata” ang lahat ng barangay ng Gattaran, Cagayan laban sa makakaliwang grupo.
Ayon kay P/major Edwin Aragon, hepe ng PNP-Gattaran, nagpapakita lamang ito na ayaw na at nagsawa na ang mga mamamayan ng Gattaran sa ginagawang pangingikil ng mga New Peoples Army (NPA).
Aniya, may lakas na ng loob ang mga residente sa pangunguna ng mga barangay officials na labanan ang mga miembro ng NPA para makamit ang kapayapaan at kaayusan ng kanilang nasasakupang lugar.
Nagpasalamat naman si Aragon sa mga residente sa kanilang ipinapakitang kooperasyon kontra insurhensiya.
Samantala, sinabi ni Aragon na kanilang tinututukan ang pagsugpo sa illigal na droga sa nasasakupang lugar dahil hanggang sa ngayon ay madami pang barangay ang apektado nito.
Aniya, mula sa kabuuang 50 Barangay ng Gattaran ay pito pa lamang dito ang naideklarang drug cleared at pito rin ang drug free kung saan umabot sa 474 katao ang unang sumuko sa oplan tokhang ng PNP.