Naghain ng reklamo ang isang personal driver at assistant sa National Bureau of Investigation (NBI) na inaakusahan ang aktres na si Rhian Ramos at dalawang beauty queens ng physical assault, torture, at serious illegal detention na nangyari umano sa loob ng condominium unit sa Makati City.

Batay sa reklamo, nangyari umano ang insidente noong Enero 17, matapos na akusahan ang driver ng pagnanakaw ng mga pribadong larawan na pagmamay-ari ng aktres.

Ayon sa driver, sinaktan at tinorture siya ng aktres at dalawa niyang kasamahan, na kinilalang si Michelle Dee at isa pang indibidual.

Ipinakita ng reklamo ang mga pasa at iba pang sugat, na kagagawan umano ng mga inirereklamo.

Sinabi pa ng driver na sinaktan siya matapos na sabihin niyang wala sa kanya ang hinahanap na mga larawan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, binuhusan ng alak at dinuro ang kanyang mga mata.

Idinagdag pa niya na may dalawang bodyguards habang sinasaktan siya ng tatlo at ikinulong siya sa loob ng condominium unit ng tatlong araw.

Dahil sa umano’y pang-aabuso, tinangka niyang tumalon mula sa gusali, kung saan nagawa niyang makakapit sa tali, at ibinalik siya ng security ng condominium.

Kasunod ng insidente, dinala ang nagreklamo sa Makati Police Station at kinasuhan ng pagnanakaw.

Subalit kalaunan ay ibinasura ng prosecutor’s office ang kaso at pinalaya noong Enero 22.

Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Maggie Garduque, legal counsel ni Dee at Ramos, si Dee ang unang naghain ng reklamo laban sa driver.

Pinabulaanan din ng abogado ang alegasyong illegal detention, kung saan residente umano ang driver sa condominium bilang bahagi ng kanyang employment.

Sinabi ni Garduque na wala pang natanggap ang kanyang mga kliyente na kopya ng reklamo ng driver sa NBI.

Kinumpirma naman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na humingi sa kanila ng tulong ang driver sa pagsasampa ng kaso.