TUGUEGARAO CITY- Isinailalim na sa inquest proceeding sa kasong multiple murder and homicide ang tatlong suspect sa pagpatay sa mag-iina sa Sanchez Mira, Cagayan noong madaling araw ng October 7, 2020.

Sinabi ni PCMSgt. Bladimir Enteria, imbestigador ng PNP Sanchez na batay sa kanilang imbestigasyon, bago mangyari ang krimen, nag-iinuman ang tatlong suspect na sina Efren Innay, Ennok Guillermo at Martin Ganal sa bahay ni Innay kung saan nakikitira ang mga biktima.

Nagkaroon umano ng pagtatalo si Innay at ang ina na si Marina Sagid nang maungkat ang tila pagsuway umano ng isa sa mga anak ng biktima sa utos ng suspect.

Ayon kay Enteria, umalis ang mag-iina at nagtungo sa isang kubo na malayo sa bahay ni Innay subalit sinundan pa rin sila ng mga suspect at sila ay pinagtataga.

Kabilang sa mga pinatay ay ang ina na si Marina at kanyang dalawang anak na walong taong gulang na babae at isang taong gulang na lalaki.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Enteria na hindi nakasama sa mga napatay ng mga suspek ang 12 anyos na isa pang anak matapos na humiwalay ng tulugan.

Nang maalimpungatan umano ang binatilyo ay agad siyang nagtago at nakita niya ang pananaga sa kanyang pamilya.

Tumakbo na umano ang binatilyo ng habulin siya ng mga suspect na lango sa alak at agad na nagsumbong sa mga opisyal ng barangay.

Kaugnay nito, sinabi ni Enteria na liblib na lugar ang pinangyarihan ng krimen sa Brgy. Kittag.

Sa katunatyan, kung hindi pa nakatakas ang binatilyo ay walang makakaalam na may nangyaring massacre sa nasabing lugar.

Samantala, sinabi ni Enteria na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Justice para isailalim sa witness protection ang binatilyo.