Umaapela ngayon sa mga kinauukulam ang mga residente ng Brgy. Roma Sur at Norte sa bayan ng Enrile dahil sa napakaraming langaw na namemerwisyo sa kanilang araw-araw na gawain.

Ayon kay Ginang Mary Jane Sabado, residente ng Brgy. Roma Sur, desperado na silang idulog ang nasabing problema sa lahat ng ahensya na maaaring makatulong sa kanila dahil tatlong linggo na aniya silang nagtitiis dahil sa mga langaw.

Kaugnay nito ay hindi aniya sila makakain o makatulog ng maayos dahil mula sa labas hanggang sa loob ng kanilang bahay ay pinamumugaran na ng mga langaw.

Binigyang diin nito na labis silang nangangamba dahil sa posibleng epekto nito sa kanilang kalusugan.

Inihayag niya na ang mga langaw ay nagmumula sa isang poultry farm mula sa Sta Maria, Isabela at apektado ang kanilang barangay na malapit lamang sa lugar na matatagpuan sa boundary ng dalawang nasabing bayan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Sabado na maraming beses na nila itong idinulog sa barangay at mayroon namang nag-iinspection na mula sa health and sanitation office ngunit paulit-ulit at hindi lamang din naman natutugunan ang problema.

Dagdag pa rito ay mayroon lamang inuutusan ang may ari ng poultry na magsagawa ng pagpapausok ngunit pagkatapos nito ay bumabalik din agad ang mga langaw.

Ayon kay Sabado, nararanasan ang ganitong problema tuwing harvest season ng poultry farm at tumatagal ng halos isang buwan ang nagiging epekto sa mga residente.