
Itinalaga ng International Criminal Court o ICC si abogado Peter Haynes bilang bagong legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kinahaharap nitong kasong crimes against humanity.
Papalitan ni Haynes si dating counsel na si Nicholaas Kaufman, matapos aprubahan ng ICC Trial Chamber III ang kanyang pag-withdraw sa kaso.
Ayon sa dokumentong inihain ni Kaufman noong Mayo 8, personal nilang nakausap si Duterte at kinumpirma umano nito ang pagnanais na palitan ang kanyang abogado at kunin si Haynes bilang bagong kinatawan.
Nakasaad din sa filing na handa si Haynes na agad akuin ang depensa ni Duterte at napagkasunduan na ang terms of engagement nito.
Si Haynes ay dating presidente ng ICC Bar Association at may malawak na karanasan sa paghawak ng mga kaso sa International Criminal Court.
Sinabi rin ni Kaufman na tiwala siyang mananatiling maayos at tuloy-tuloy ang legal representation ni Duterte sa tulong ni Haynes at ng kasalukuyang defense team.
Inaasahan namang dadalo si Haynes sa status conference ng kaso na nakatakda sa Mayo 27.
Nahaharap si dating Pangulong Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra ilegal na droga ng kanyang administrasyon.










