Ihahain na sa April 28 ng mga empleyado ng National Food Authority (NFA) sa Korte Suprema ang petisyon na kumukwestyon sa Rice Tarrification Law.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Cathy Estabillio ng grupong Bantay Bigas at co-petitioner sa reklamo na pangunahin nilang tinututulan ang isasagawang restructuring sa mga empleyado ng NFA at pag-alis sa ilang pangunahin nitong tungkulin.
Aabot umano sa 500 hanggang 5,000 empleyado ng NFA ang inaasahang mawawalan ng trabaho dahil sa naturang batas.
Dagdag pa ni Estabillio na higit na maaapektuhan ng mga polisiya sa pag-aangkat ng bigas ng pamahalaan ang mga magsasaka at mamimili na maaaring samantalahin ng mga importer at trader ng bigas.
Bukod sa Korte Suprema, sinabi ni Estabillio na idudulog din ng grupo ang kanilang hinaing sa Kongreso.
Mababatid na ang IRR ng Rice Tariffication Law ay nilagdaan ng National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Budget and Management (DBM) at Department of Agriculture (DA).